CAGAYAN DE ORO CITY – Napatay sa pinag-isang operasyon ng pulisya,militar at kasama ang PDEA-BARMM ang isa sa tatlong targeted personalities sa isinilbi na search warrants sa Sitio Kabaturan,Barangay Miculabo,Picong,Lanao del Sur.
Kinilala ni Lanao del Sur Provincial Police Office Director Col Rex Derilo ang nasawi na si Kareem Usop Abedin,nasa legal na edad habang nakatakas naman ang dalawa pang targets na sina Camar Mauyag at Emen Parte.
Inihayag ni Derilo na magkahilawalay na isinilbi ang kautusan ng korte subalit tanging ang grupo ni Abedin umano ang napalaban kung saan sinalubong ng mga bala ang operating troops kaya tumagal sa kalahating oras ang engkuwentro.
Tuluyang napuruhan si Kareem kaya agad binawian ng buhay.
Nakompiska naman ang ilang pambasabog,barret rifle;dalawang M-16 rifles,tatlong motorsiklo at nasa 23 pirasong sachets na mayroong laman na suspected shabu at maging drug parphernalia.
Naka-kustodiya naman ang mga arestadong kasamahan ni Abedin sa tanggapan ng PDEA-BARMM at CIDG-BARMM habang hinihintay ang pagsaka ng mga kaukulang kaso.