CAGAYAN DE ORO CITY – Pinauwi ng militar sa kanilang mga tahanan ang nasa 432 indibidwal o 111 pamilya na unang lumikas dahil umiwas maipit ng mga nagkapalitan ng mga bala sa dalawag panig sa Barangay Mantangale,Balingoan,Misamis Oriental.
Ito ay matapos naitaboy na palayo ng 58th IB,Philippine Army ang nasa 30 kasapi ng CPP-NPA Sub Regional Command 1 na unang naka-engkuwentro kung saan mayroong isang amasona ang napatay at nakompiska ang ilang powerful firearms maging ibang gamitang pandigma sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Misamis Oriental Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office chief Fernando Dy Jr na maliban sa nabanggit na bahagi ng bayan ay mayroong ilang pamilya rin mula Barangay Kauswagan at Lapinig ang bumaba dahil sa engkuwentro.
Inihayag ni Dy na bagamat wala namang naiulat na mga sibilyan na nasagutan o nadamay maliban lamang sa isang babaeng rebeldeng NPA na narekober ng militar na nasawi at naihatid sa mismong pamilya nito na nagmula sa bayan ng Balingasag ng lalawigan.
Bago pa man umuwi ang mga apektadong pamilya ay inaabutan muna ito ng relief goods mula sa provincial government habang naka-house sila sa ilang paaralan at covered court sa nabanggit na mga barangay.
Una nang inihayag ni 4th ID,Philippine Army spokesperson Maj Jhun Cordero na bagamat balik-normal na ang sitwasyon subalit hindi pa nilubayan ng 58th IB ang pagtugis sa mga tumakas na rebelde para maiwasan na magambala na naman ang pamumuhay ng mga sibilyan sa nabanggit na bahagi ng lalawigan.