CAGAYAN DE ORO CITY – Pinatatag at mas lalo pang pinakalas ng 4th ID,Philippine Army ang damdamin ng 11 sundalo na kabilang sa nagsilbing survivors mula sa C-130 plane crash sa Patikul,Sulu noong Hulyo 4,2021.
Ito ay matapos agad binisita ni 4th ID commanding officer Brig Gen Romeo Brawner Jr ang dating naka-detail na mga sundalo dito sa rehiyon nang dumating mula sa Zamboanga City kung saan sila nanatili ng ilang linggo habang nagpapagaling sa mga natamo na sugat mula sa trahedya.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni 4th ID spokesperson Maj Francisco Garello Jr na ang pagkabalik ng mga sundalong ito sa kanilang area of responsibility ay upang direkta sila na maaalagaan ng mga pamilya nito habang naka-confine sa Camp Evangelista Station Hospital na nakabase sa Camp Edilberto Evangelista nitong lungsod.
Sinabi ni Garello na tiniyak naman umano ni Brawner sa mga sugatang sundalo na iaabot ang lahat ng makakaya ng dibisyon para sa kanila habang nagpapagaling sa mga tinamong sugat at paso dahil sa pangyayari.
Kabilang sa mga naka-confine sa military hospital ay sina Army Privates Kristopher Bulat-ag;Rodiel Morales; Olan Acolentaya na lahat residente sa Cagayan de Oro City;Alfran Buna ng El Salvador City at Jon Klien Gaid ng Gitagum na pawang sakop ng Misamis Oriental;Reque Mambabao;Christian Martonillas na mula pareho sa Bukidnon; Renato Tejares ng Lanao del Norte;Jonel Lagulay ng Agusan del Sur;Jeason Mark Balondo ng Zamboanga del Sur at Christian Joshua Pacal.
Kung maalala,sakay ng eroplano mula nitong syudad ang nasa 96 na Philippine Air Force at Army personnel kung saan 50 ang nasawi habang 46 ang nakaligtas nang maganap ang trahedya.
Sa bilang ng mga nasawi,28 pa lamang ang nakilala na kinabilangan ng 17 personahe ng Army at 11 na Air Force men habang 21 na mga labi pa ang patuloy na kini-kilala.