(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Inaresto na ang drayber ng taxi na umano’y aksidenteng bumundol sa dalawang Mixed Martial Arts (MMA) fighters sa Barangay Gusa sa lungsod ng Cagayan de Oro.

Kinilala ang mga nasawing magpinsan na sina Rickytune at Gener Batoltol, kapwa MMF fighters at residente ng Bacolod City.

Nasaksihan ni Rex de Lara, ang sparring partner ng mga nasawi ang pagkakabundol ng taxi nang tumawid ang magpinsan sa national highway noong madaling araw ng Hulyo 23, 2017.

Hindi na nadala pa sa pagamutan ang mga biktima dahil kapwa dead on the spot matapos ang pangyayari.

Una rito, pansamantalang nag-training ang dalawa sa Mindanao Unified Mixed Martial Arts (MUMA) Gym nitong lungsod.

Pinagsisisihan naman ng drayber na nakilalang si Jerson Bersabal, taga-Zayas, Upper Carmen, nitong syudad, ang buong pangyayari.

Aniya, wala siyang makitang tumawid sa daan ng humarurot ito sa kanyang pagpasada.

Sa ngayon, nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide ang nahuling taxi drayber.

Napag-alaman na dumalaw ang tatlong MMA fighters sa kanilang manager na naka-confine sa Capitol University Medical City (CUMC) ng lungsod.