CAGAYAN DE ORO CITY – Napatay ng joint operation ng militar at pulisya ang dalawang miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Barangay Ondiongan,Gingoog City,Misamis Oriental.

Kasunod ito ng ginawa na intelligence operations ng 4th ID,Philippine Army at PNP-MisOr kasunod nang unang engkuwentro ng 58th Infantry Batallion at Front Guerilla Hauawei laban sa higit-kumulang 20 miyembro ng NPA sa kalapit na barangay ng lungsod nitong linggo lamang.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Misamis Oriental Provincial Police Office spokesperson Lt Theofratus Pia na grupo umano ng Squad 3 o Platoon Diego ng Sub-Regional Committee 3 ng North Central Mindanao Regional Committee ang naka-engkuwentro ng state forces na nag-resulta ng ilang pagkasawi ng mga kalaban.

Kinilala nila ang mga nasawi na sina Jelan Pinakilid alyas Matrix at Darling Pinakilid alyas Ate na kapwa mayroong mga mahalagang katungkulan sa kilusan.

Nakompiska mula sa mga napatay’ng mga rebelde ang granada,kalibre 45 at kanilang personal na kagamitan.

Magugunitang sa loob ng linggong ito,nasa tatlong NPA members na ang nasawi sa military at police operations habang apat na mga baril na ang nakompiska ng estado mula sa lugar na pinag-engkuwentrohan.