(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Winasak agad ng Bureau of Customs (BoC) Cagayan de Oro City ang nasa halos 80,000 reams o nagkahalaga ng P50 milyon na smuggled cigarettes na nagmula China at ipinasok sa Misamis Oriental.
Ito ay upang tuluyan ng hindi na mapakinabangan pa ng mga intresadong personalidad ang misdeclared cigarettes na pagmay-ari umano ng Fern Freight Enterprises at Dong Yin Industrial Supplies na unang dumaong sa Mindanao Container Terminal (MCT) ng Tagoloan ng lalawigan sa magkaibang buwan nitong taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni BoC-CdeO collector John Simon na una nang ideneklara ng Fern Enterprises na furniture products ang shipment subalit pag-inspeksyon ay tumambad ang mga sigarilyo na walang mga kaukulang dokumento.
Inihayag ni Simon na agad nila nilabasan ng abandonment order ang nasabing consignee dahil nabigo makapaghain ng goods declaration kaya tuluyang kinompiska ang kontrabando.
Nilabasan naman ng BoC ng warrant of seizure and detention at forfeiture orders ang Dong Yin dahil nagkuwanri na disposable cups ang kargamento subalit imported na sigarilyo ang ipinapalusot sa daungan.
Magugunitang matapos ang kautusan ng BoC-Manila na agad sirain ang mga kontrabando ay hindi na ito pinasaksihan pa ng media habang dinurog sa warehouse na nakabase sa bayan ng Opol ng lalawigan nitong linggo lamang.
Dumaong ang dalawang barko na karga ang mga kontrabando sa MCT mula China noong Mayo 14 at Hunyo 9 2020 subalit kapwa naharang dahil tangka lusutan ang customs duties ng gobyerno.