CAGAYAN DE ORO CITY – Nakumpiska ng mga tauhan ng City Public Safety Batallion (CPSC) ng Cagayan de Oro City Police Office (COCPO) at Philippine Army ang mahigit 200 rounds ng mga bala ng 12 guage shot gun; magazine ng 9mm pistol at kulay itim na Suzuki sa checkpoint ng Sitio Kinasanghan, Barangay Iponan, Cagayan de Oro City.

Nahuli na nagmamaneho ng saksakyan ang isang Arwin John Rojas kung saan nabigo na makapag-prisinta ng kaukulang mga dokumento ng kontrabando kaya ito kinumpiska ng mga otoridad.

Sinabi sa Bombo Radyo ni PNP Regional Spokesperson Supt. Lemuel Gonda na nasa mahigpit na pagbabantay ang pulisya at militar laban sa grupo ng mga terorista kaya ikinalat ang checkpoints sa lungsod.

Kaugnay nito, agad nagsagawa ng beripikasyon si Bulua Police Station commander Sr. Insp. Ian Datiles ukol sa kontrabando na naharang ng kanilang counterpart kung saan dumating ang may-ari nito sa headquarters ng city police office.

Agad nag-prisinta ng kaukulang mga dokumento at pinangaralan ni Datiles ang may-ari ng mga bala na si Benedicto Lao Sr na may-ari ng isang gun store na hindi basta-basta ilalabas ang ganoong mga bagay na hindi dala ang permit nito.

Inamin umano ni Lao na hindi nito nadiskarga ang mga binili nitong bala para sa kanyang tindahan nang hiniram ng kanyang asawa ang sasakyan upang ihatid ang kilalang beach goers sa Misamis Oriental.

Sa ngayon, laya na ang naarestong driver at muling nakuha ng may-ari ang mga bala na unang pinaghinalaan na gagamitin para sa mga masama na babalakin sa siyudad.