CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng mga otoridad na hindi malagay sa peligro ang seguridad sa tinatayang nasa 250,000 devotees ng Black Nazarene na inilibot sa ilang lansangan sa Cagayan de Oro City na sinimulan kaninang madaling araw.

Ito ay mayroong kaugnayan sa kapistahan ng Poon kung saan dinirayo ng libu-libong mga deboto ang ginawa na traslacion nito ngayong araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni City Police Director Col Henry Dampal na ipinapatupad nila ang signal jamming sa linya ng komunikasyon para hindi matulad sa ibang lugar ang traslacion na nalagay sa pananabotahe.

Inihayag ni Dampal na buhos rin ang dagdag puwersa mula sa militar at force multipliers para masiguro na hindi malulutsutan ang taunang religious activity.

Dagdag ng opisyal na bagamat walang natatanggap na seryosong banta ng seguridad ang intelligence community ng PNP at AFP ay wala silang kumpiyansa kahit inalis na ang martial law sa Mindanao.

Si COCPO Director Col Henry Dampal

Magugunitang kahit inuulan ay hindi ito inaalintana ng mga deboto makasama lamang sa traslacion.