CAGAYAN DE ORO-Pinataob ng isang 28-anyos na Brgy Kapitan ang kanyang mga katunggali sa pagka Vice Mayor sa bayan ng Opol sa pangalawang distrito ng Misamis Oriental.

Sinabi ni Brgy Poblacion Kapitan Danilo Vox Daroy hindi niya lubos akalain na magwawagi siya laban sa dalawang nakatatanda at bigating mga politiko.

Ang naging kalaban kasi ni Daroy ay si Incumbent Mayor Max Seno at si incumbent Vice Mayor Louie Neri.

Hindi inakala ng Vice Mayor elect na iboboto siya ng 14,041 na mga kababayan habang ang kasalukuyang alkalde ay nakakuha lamang ng 10,833 na boto at 5,660 naman ang kasalukuyang Vice Mayor.

Aniya noong una ay ikinagulat pa niya at may pag-aalinlangan ng alukin siya na maging katandem ng nanalo ring si Mayor na si Atty. Jay Bago.

Magsisilbi umanong inspirasyon sa mga kabataan ang kanyang pagkapanalo na hindi hadlang ang murang edad para makapagserbisyo at makapagbigay ng pagbabago sa lipunan.