CAGAYAN DE ORO CITY – Kinompirma ngayon ni DILG Undersecretary Martin Diño na pumalo na sa humigit-kumulang tatlong libo na mga barangay kapitan ang inireklamo ng kanilang mga residente mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa kaugnay sa umano’y ma-anomaliya na pamimigay ng social amelioration program (SAP).
Ito ay maliban sa nasa 183 barangay kapitan na kasalukuyang pina-iimbestigahan ni DILG Secretary Eduardo Año dahil sa nakikitang sapat na basehan na reklamo na nasangkot umano sila ng SAP distribution discrepancies.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Diño na mismo sa Metro Manila ay nasa higit na 100 mga kapitan ang inireklamo ng mga residente sa kanilang tanggapan.
Inihayag ni Diño na sa tatlong libo na bilang,ilan sa mga barangay kapitan na inireklamo dahil sa umano’y katiwalian ay nagmula sa Northern Mindanao.
Dagdag ng opisyal na nasa lima umanong barangay executives nito ay nagmula sa Cagayan de Oro City habang ilan rin ay nanggaling sa mga lungsod ng Iligan ng Lanao del Norte,Malaybalay City,Bukidnon at probinsya ng Camiguin.