CAGAYAN DE ORO CITY – Kumpiyansa ang militar na babagsak na ng tuluyan ang Maute-ISIS inspired group na kumikilos sa mabundok na bahagi ng ilang bayan sa Lanao del Sur.
Ito ay matapos panibagong tatlong pinaniwalaan na miyembro ng mga terorista ang naaresto ng militar sa Barangay Paridi,Piagapo,Lanao del Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command spokesperson Army Major Arvin Encinas na kinilala ang mga arestado na sina Kamarudin Sultan,22 anyos,Janla at Arapat Tangolo pawang 20 anyos na lahat nakatira sa lugar.
Sinabi ni Encinas na mismo ang mga sibilyan na nakakita sa suspek ang nagbigay alam sa kanilang tropa sa lugar kaya agad ikinasa ang operasyon.
Bagamat hindi na nakagalaw pa ang suspected terrorists kaya nakompiska sa kanila ang dalawang M14 rifles ,bushmaster 5.56 assault rifles, caliber 38 pistol, magazines,mga bala at bandoliers.
Kaugnay nito,tinatayang nasa 30 na lamang ang gumagalaw na mga terorista sa Lanao del Sur na pinamunuan ng isa umanong lider na hindi gaanong mayroong malaking impluwensiya makapag-recruit sa kabataan.
Kung maalala,napatay ng militar at pulisya tumatayong pinuno ng Maute-ISIS na si Owayda Marahomsar alyas Abu Dar sa isang operasyon sa Lanao del Sur nitong taon
lamang.