CAGAYAN DE ORO CITY – Umakyat na sa tatlong Pinoy ang namatay dahil sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa Spain.
Malaki naman ang paniniwala ni Bombo Radyo-Spain Pinay correspondent Madelyn Basilio na madagdagan pa ang nasabing bilang dahil marami sa mga Covid-19 cases ang hindi pa na-ireport sa embahada ng Pilipinas.
Aniya, kabilang sa mga namatay ng dahil sa virus ang Pinay nun na si Maria Gratia Balagot, 71-anyos; isang babae na taga-bantay ang trabaho; at 83-anyos na babaeng senior citizen.
Sinabi nito na mabilis ang pag-akyat ng bilang ng mga nagpositibo sa nasabing bansa dahil sa katigasan ng ulo nga mga Español.
Dagdag pa ni Basilio nga maraming mga Pinoy ang nag-alala dahil walang tulong o rasyon ang ibinigay ng gobyerno ng Espanya sa kanila.
Napilitan silang gamitin ang kanilang mga ipon at gumagawa ng kanilang mga sariling diskarte upang makakain.
Una nang isinailalim ang Spain sa estado de alarma o state of alarm dahil sa Covid-19 pandemic kung saan pumapangalawa na ang bansa sa may pinakamaraming kaso sa virus.