Nakaamba sa pagkawala ng trabaho ang 30 porsyento ng mga manggagawa kabilang na ang mga kawani ng Business Process Outsourcing (BPO) kung maipatutupad ang Pax Silica framework.
Nagbabala si Ateneo de Davao University Political Analyst Professor Ryan Maboloc na papalitan na ng artificial intelligence ang mga entry-level jobs at pagsusuri ng datos kaya hindi na mangangailangan ng maraming empleyado ang mga kompanya.
Bukod sa krisis sa trabaho, milyon-milyong galon ng tubig din ang sisipsipin ng mga malalaking data center para sa cooling system nito na direktang magpapahupa sa suplay ng tubig ng taumbayan, dagdag ni Maboloc.
Ang pinsalang ito sa kabuhayan at kalikasan ang nagtulak sa sunod-sunod na protesta laban sa naturang kasunduan at sa pagbisita ni United States President Donald Trump.











