CAGAYAN DE ORO CITY – Napilitang lumikas ang nasa 300 residente nang magka-engkuwentro ang tropa ng 403rd IB,Philippine Army at rebeldeng New People’s Army sa Barangay Canangaan na nagsilbing boundary ng Bukidnon at Agusan del Sur.
Ito ay matapos tinugis ng militar ang nasa 30 miyembro ng mga rebelde na unang itinuro ng pulisya na responsable pagsunog ng cargo truck at payloader na pagmay-ari ng ilang quarry opeators sa Valencia City,Bukidnon.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Cabanglasan Mayor Rey Inocando na kasalukuyang binigyan nila ng stress debriefing ang mga lumikas na sibilyan dahil sa naramdaman na takot kaugnay sa ilang oras na engkuwentro ng dalawang panig.
Inihayag ni Inocando na narekober na rin ng militar ang apat na M-16 rifles, dalawang carbine at improvised explosive devices (IEDs) kasama ang mga subersibong dokumento ng mga tumakas na mga rebelde.
Bagamat hindi pa makompirma ng militar at ng alkalde kung mayroong namatay o sugatan sa panig ng mga rebelde dahil hindi na tuluyang napasok ang lugar na pinag-engkuwentrahan ng dalawang panig.
Una rito,ginamitan ng militar ng mga kanyon ang mga rebelde kaya mas lalong napaatras palayo sa civilian community.