CAGAYAN DE ORO CITY – Nagkasukatan ng mga galing ang nasa 36 na grassroots at international basketball talents sa binuksan na Sinag Liga Asya (SLA) Junior World Showcase sa USTP gym ng Cagayan de Oro nitong araw.

Mismo si retired Philippine Basketball Association player at kasalukuyang SLA Commissioner John Rodney Santos ang pormal na nagbukas kung saan host ang Cagayan de Oro City sa bahagi ng Mindanao sa liga ngayong taon.

Sinabi ni Santos na huwag kalimutan ng mga bagitong manlalaro na ma-enjoy ang kanilang pakikipagtagisan ng galing sa ibang teams na hindi iiral ang pagkamayabang sa bawat panalo na kanilang makamtan.

Nagsilbing pangalawang SLA leg ang pagtitipon na ito ng local at foreign young basketball players dahil unang naisagawa na ang sporting event na ito sa Pampanga sa Luzon.

Magugunitang isagawa sana ito sa Cebu City subalit nakumbinse ng mag-amang opisyal na sina City Mayor Klarex Uy at Carmen Punong Brgy Kapitan Kikang Uy na dalhin ang malaking sporting event na ito sa Hilagang Mindanao na tatagal hanggang Hulyo 11.

Bilang host city,pinaluhod ng Team CdeO Higalas ang Filipino-American players mula sa Las Vegas,USA sa opening game sa final score 91-44

Napag-alaman na maliban sa teams na nagmula sa ilang estado ng Amerika,lumahok rin ang ibang mga manlalaro galing sa Canada at United Arab Emirates.