(Update 3) CAGAYAN DE ORO CITY – Pinangangambahan ngayon ng Office of the Civil Defense 10 na lolobo pa ang bilang ng mga nasawing residente bunsod ng malawakang pagbaha sa probinsya ng Misamis Occidental at ibang bahagi ng Northern Mindanao region.

Ito’y kahit mga pag-ulan lamang ang tumama sa malaking bahagi ng rehiyon bunsod ng shearline o pagsalubong ng mainit at malamig na hangin sa Visayas-Mindanao regions simula pa noong nakaraang linggo.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni OCD-10 assistant regional director retired Army Col. Gilbert Conde na batay sa initial data na nagmula sa Misamis Occidental,nasa apat na katao ang nasawi habang tatlong ang missing at dalawa ang sugatan.

Sinabi ni opisyal na nasa halos 90 kabahayan ang sinira ng mga pagbaha mula sa magkaibang bayan ng lalawigan.

Maliban rito ay sinira rin ng mga pagbaha ilang ektarya ng palayan habang maraming tulay ang sinira at hindi madaanan ng mga sasakyan.

Nagtala ng higit P40 milyon ang danyos ng mga dinaanan ng baha katulad ng sakahan,kabahayan,government infrastractures at personal na kagamitan ng mga apektadong pamilya.

Magugunitang maging sa probinsya ng Misamis Oriental ay mahigit anim na libong pamilya ang inilikas mula sa Gingoog City na kasalukuyang naka-state of calamity;El Salvador City at Balingasag dahil sa mga pagbaha kahapon.