CAGAYAN DE ORO CITY – Naisampa na ng government prosecutors sa korte ang kasong robbery extortion laban sa anim sa pitong akusado na unang nangingikil sa chairman ng Regional Peace and Order Council (RPOC) na si Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno.
Ito ay matapos nakitaan ng probable cause na i-akyat ang kaso sa korte laban kay Ryan Mabborang na tumatayong lider ng Pat Villacorte organized crime group na unang humingi ng P1.3 milyon kay Moreno kapalit umano na mapadali ang paglabas ng kulungan ng kanyang anak na si Sean Moreno dahil sa illegal drugs case sa Angeles City Jail sa Pampanga.
Sinabi ni Regional State Prosecutor Merlynn Uy na kabilang rin sa kinasuhan sina Wilma Pangandigan, Thong Pangandigan, Mohaimin Ulimpaen, Sadam Taliba at Donna Bansil na lahat nagmula sa Central Mindanao.
Inihayag ni Uy na tanging si Mark Adrian Tan lamang ang hindi nasampahan dahil humingi ito ng preliminary investigation kaugay sa kinaharap na kaso.
Kaugnay nito,bagamat nakitaan ni Regional Trial Court Branch 21 Presiding Judge Gil Bollozos ng probable cause ang kaso laban sa mga akusado subalit pinigbigyan nito na makapaghain ang mga ito ng tig-100,000 pesos na bailbond para sa kanilang pansamantala na kalaayan.
Inihayag sa Bombo Radyo ni Uy na maglalabas lamang ng warrant of arrest ang korte kapag hindi sisipot ang mga akusado sa oras na magsisimula na ang case trial proper.
Magugunitang nagkunwari si Mabborang na si Police Col Ferdinand Sifuentes na deputy director for operations sa Police Regional Office 10 at kinumbinsi si Moreno na bigyan ito ng pera upang aregluhin ang kinaharap na kaso ng anak na nakakulong sa Angeles City Jail subalit ipinapa-entrap ito ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-10) noong nakaraang linggo.
Inamin naman ni Mabborang na ginawa nito ang kremin subalit kanyang iginiit na napilitan lamang ito dahil biktima rin ng umano’y panloloko ng Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International Incorporated na una nang ipinapasara ni Pangulong Rodrigo Duterte sapagkat isang illegal investment transaction.