CAGAYAN DE ORO CITY –Tikom ang bibig ng barangay kapitan na kabilang sa pito na isinangkot sa kasong pagpatay ng dalawang barangay konsehal sa Dominorog,Talakag,Bukidnon.

Ito ay matapos hindi sinagot ni Dominorog Barangay Kapitan Judith Ocum ang mga mga tawag ng Bombo Radyo upang makuha ang kanyang panig kaugnay sa kinaharap na kasong double murder na isinampa ng pulisya laban sa kanya at anim na iba pa sa piskalya sa probinsya.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Talakag Police Station commander Capt Dominador Orate Jr na nag-ugat ang kaso matapos itinuro ng tatlong testigo si Ocum na umano’y mayroong alam kung bakit binaril-patay sina Barangay Kagawad Maurico Guinto at Kagawad Lorenzo Pedyaan sa bisinidad ng kanilang barangay session hall noong Enero 20,2020.

Inihayag ni Orate na hindi lumalayo ang kanilang pagduda na sangkot si Ocum sa kremin dahil una nang pinagbantaan umano nito si Guinto sa harap ng maraming tao na ipapapatay sa mga susunod na araw.

Natuklasan ng pulisya na umaasim ang samahan ng suspek at mga biktima nang hindi na sila nabibigyan ng kanilang monthly honorarium at iba pang isyu na sumentro sa pamamahala ng barangay.

Magugunitang maliban kay Ocum,sinampahan rin ng kaso ang mag-asawa na sina barangay treasurer Angelie Bercede at barangay mobile patrol driver Jonas Bercede;brgy secretary Rogeline Camasere dahil umano’y nakigpag-sabwatan sa suspected hired killers na sina Montano Samron at alyas Teng.

Si Talakag Police Station commander Capt Dominador Orate Jr

Kung maalala,mariing iginiit noon ni Ocum sa panayam ng Bombo Radyo na wala itong kinalaman sa kremin at itinuro na maaring kagagawan ng mga bandido na nakipag-alyansa sa rebeldeng New People’s Army (NPA) dahilan napaslang umano ang mga biktima.