Nagtala ng 89 porsyentong suporta mula sa mga respondent ang inilabas na feasibility study ng Technical Working Group para sa hinihiling na pagpapatayo ng bagong Cagayan de Oro City Government Complex.

Ipinahayag ni Technical Working Group Head Prof. Jestoni Babia na nakita sa isang taong isinagawang pag-aaral ang malaking pangangailangan sa paglilipat at pagmo-moderno ng mga pasilidad ng lungsod.

Nilinaw ng opisyal na mahigit 80 porsyento ng mga kasalukuyang tanggapan ang nagaharap sa pagsisikip at kakulangan sa espasyo, habang 71 porsyento ang handa na para sa digitalization ng mga serbisyo publiko.

Dagdag pa ni Babia, ipinakita sa isinagawang siyentipikong pag-aaral na makatutulong ang bagong complex upang mas maging mabilis, konektado, at epektibo ang pagbibigay ng serbisyo sa lahat ng Kagay-anon.