Nagbabala ang Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) Mindanao na lalala ang krisis sa tubig sa bansa dahil tinatayang 90 milyong litro ng tubig bawat araw ang kinakailangan ng proyektong Pax Silica.
Ayon kay Philippine Movement for Climate Justice Mindanao Policy and Communications Officer Pat Jared Pangantihon, batay sa datos ng Bases Conversion and Development Authority, ang naturang dami ay katumbas ng 3.75 milyong malalaking balde ng tubig bawat araw para lamang sa pagpapalamig ng data center at pagpoproseso ng mga materyales.
Binigyang-diin ni Pangantihon na nakatatakot ang numerong ito lalo na’t humaharap ang bansa sa El Niño at nahihirapan na nga sa suplay ng tubig ang maraming lugar tulad ng lungsod ng Cagayan de Oro at bayan ng Libona.
Dugtong ng opisyal ng grupo na dapat munang lutasin ng gobyerno ang lumalalang problema sa tubig ng mga Pilipino imbes na magpapasok ng mga dayuhang proyektong magdaragdag sa hirap ng taumbayan.











