CAGAYAN DE ORO CITY – Ipinaliwanag ni Ozamiz City Police Office commander C/Insp Jovie Espenido kung bakit naging madaling araw ang kanilang pagsilbi ng anim na “search warrants” sa lokasyon ng pamilyang Parojinog.
Sa isang press briefing, inihayag ni Espenido na kailangan nilang isilbi ang warrant kung saan walang maraming civilian na posibleng maging casualties.
Una rito, napag-alaman ng raiding team na punong puno ng mga bata ang bahay ng mga Parojinog kung saan posibleng ginagawa nila ang mga ito bilang “human shield.”
“Any time of the day at any time of the night man yong search warrant. Ang implementor kasi may initiative yan… Tinignan kasi namin kung saan o kailan ma receive namin ang search warrant na walang maraming tao. Na hindi naka prepared sila… And for your information ang bahay ni Mayor at ni Vice Mayor Nova, maraming magpunta, maraming nagvigil. Kung nakita ninyo ang mga bata ginagamit nila nga makatulog sa kanila. Parang human shield ba. Maraming tao, baka maraming casualties,” ani Espenido.
Giit din ni Espenido na walang extra-judicial killings sa pag-raid sa dalawang bahay ng mayor at vice mayor.
Aniya, nanlaban ang nagsisilbing sympathizers ng pamilya Parojinog kung kaya’t naganap ang madugong firefight.
Binanggit ni Espenido na hindi galing kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mandato na salakayin ang pamilya Parojinog na unang nai-report na nasa drug watch list.
Aniya, ang mandato aty nanggaling sa korte at may sariling discretion ang mga pulis bilang implementor ng nasabing hakbang.
“Kaya nga makapagsabi tawo walang EKJ dito. Kasi kung matingnan nyo lang ang nahuli natin, hindi, makasabi ka talagang may pagkakataon na nabaril kasi ‘yon nga lumaban. Pero hindi masabi natin lahat na ‘yong pusher binaril, pinatay, ‘yong extra-judicial killing nandito,” wika pa ni Espenido.
Una rito, binanggit ng hepe na may mga taong nagbabantay sa bahay ng mga Parojinog bawat gabi mula sa iba’t ibang barangay.
Aniya, pinalibutan din ng mga armadong security men ang bahay ng kanilang main target.
Kung maaalala, iginiit ng Malacañang na resulta ng mas pinaigting pang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga ang pagkamatay ng umano’y narco-politician na si Mayor Reynaldo.
Sa isang text message sa mga reporters, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na ipinangako ng Duterte administration na hihigpitan pa nito ang kampanya kontra illegal drugs.
Kung matatandaan aniya, kabilang ang mga Parojinog sa listahan ni Pangulong Duterte ng mga pangalan ng inidibidwal na sangkot sa illegal drug trade.
“The Philippine National Police (PNP) conducted a raid in the Parojinog residence this morning which led to the arrest of Ozamiz Vice Mayor Nova Princess Parojinog-Echavez and scores of others,” ani Abella.
Nitong Linggo ng madaling araw napatay sa isinagawang raid ng Criminal Investigation and Detection Group Region-10 sina Mayor Parojinog, misis nito na si Susan, Misamis Occidental Board member Octavio Parojinog Jr. at 12 iba pa.
Nagpaputok umano ang mga security ni Parojinog laban sa mga otoridad na nagsilbi ng anim na search warrants kaya gumanti na rin ang mga otoridad.
Samantala, arestado naman si Vice Mayor Nova Princess Parojinog-Echavez, ang dating girlfriend umano ni Bilibid drug lord Herbert Colanggo.
Sa naturang raid, nakumpiska ng mga otoridad ang ilang high-powered na mga baril at pinaghihinalaang shabu sa bahay na pagmamay-ari ng mga Parojinog.