CAGAYAN DE ORO CITY – Hinarang ng mga meat inspector ang aabot sa 21 tonelada ng dressed chicken na unang pinaghinalaang contaminado ng avian flu virus sa pantalan ng Oro Port ng lungsod ng Cagayan de Oro.
Kinumpirma ng National Meat Inspection Services (NMIS) ng Northern Mindanao ang nasabing report kung kaya’t mabilis nilang sinelyuhan ang pantalan nitong syudad.
Naging mandato ni Dr. Angie Barcelona, regional technical director ng NMIS-10 ang pagpigil ng nasabing mga manok na makapasok sa mga palengke nitong syudad na walang kaukulang confirmatory test laban sa bird flu virus mula sa kanilang ahensya.
Hiniling ni Barcelona na itago muna ang pagkakakilanlan ng negosyanteng nagmamay-ari sa bodega kung saan ititambak ang mga manok.
Nilinaw naman ng NMIS-10 na hindi nila kinumpiska ang mga manok dahil nasa posisyon pa ito ng hindi pinangalanang “storage owner”.
Una rito, napag-alaman ng grupo ni Dr. Dale Llentic, quarantine officer ng Department Agriculture-10 na kinatay ang mga manok sa Bulacan kung saan malapit lang probinsya ng Pampanga kung saan may nagaganap na bird flu outbreak.