CAGAYAN DE ORO CITY – Tinanggal sa trabaho bilang Provincial Disaster Risk and Reduction Management Office (PDRRMO) weather monitoring head ang isang kawani ng Misamis Oriental Provincial Capitol.

Ito’y matapos mahatulang guilty sa administrative case dahil sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na si Virgel Lago.

Nahuli sa akto ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Cagayan de Oro si Lago habang sumisinghot ng shabu sa loob ng isang inn.

Ayon kay Misamis Oriental Provincial Legal Officer Atty. Neil Pacana, umaasa sila na magbigay ng leksiyon sa ibang kawani ng kapitolyo ang nangyari kay Lago dahil sa illegal drugs.

Sa panig naman ni Lago, ayaw niyang magbigay komento sa kinasasangkutan nito dahil sa kahihiyan lalo pa’t kilala siya sa buong Misamis Oriental.