(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng Special Investigation Task Group -Guro na tuloy-tuloy ang kanilang imbestigasyon upang mabigyang hustisya ang pagtambang sa mag-asawang sina Lumbaca Unayan Mayor Somerado Guro at Rohaifa Guro sa Barangay Iponan,Cagayan de Oro City.

Ito ay kahit tuluyan nang binawian ng buhay ang alkalde habang ginagamot sa pribadong ospital ng lungsod kahapon ng umaga.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni City Director Col Henry Dampal na hindi nila na inakala ang biglaan na pagpanaw ni Guro dahil una na itong naka-survive at na-operahan ang leeg mula sa tama ng mga bala sa kalibre 45 na baril.

Inihayag ni Dampal na bagamat hindi muna nila pinangalanan ang utak ng kremin at maging ang motorcycle in tandem suspects subalit inamin nito sa Bombo Radyo na mayroon na umano sila sapat na impormasyon kung bakit pinaslang ang mag-asawa.

Pinasisiguro ng opisyal na mas lalo pa nila pagsisikapan ang imbestigasyon para makalikom ng karagdagang mga ebedensiya upang malakas ang paghain ng kasong double murder laban sa kremin.

Una nang nasawi agad ang maybahay ni Guro na si Rohaifa nang natamaan ng mga bala habang nakasakay sila ng kulay itim na Toyota pickup nitong lungsod.

Si City Director Col Henry Dampal

Magugunitang inamin rin ng pamilya Guro sa Bombo Radyo na hindi lumalayo sa anggulo na politika at hindi ‘rido’ ang dahilan kung bakit tinambangan ang mag-asawa habang pauwi na sana sa Lanao del Sur noong umaga ng Hunyo 3,2020.