CAGAYAN DE ORO CITY – Nakataas ngayon ang red alert level da sa napaulat na pagkapasok ng African Swine Fever (ASF) kung saan tumama na sa ilang mga baboy sa Barangay Puga-an,Iligan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Iligan City Local Government Unit spokesperson Joe Pantoja na agad nagpatawag ng emergency meeting si City Mayor Celso Regencia kasama ang kinaukulang mga ahensiya at mga negosyante kaugnay sa pangyayari.
Inihayag ni Pantoja na batay sa inisyal na assessment ng kanilang city veterinary office at resulta ng umano’y pagsangguni sa Bureau of Animal Industry (BAI) ay nasa 85 hanggang 90 porsyento na ASF ang nakapasok sa kanilang lungsod.
Ito ang dahilan na inilagay ng Department of Agriculture 10 sa red alert level ang sitwasyon habang hinihintay ang confirmatory examination result ng ilang mga baboy na kinunan ng samples.
Dagdag ng opisyal na nasa sobra 400 mga baboy na rin ang kanilang pinatay at inilibing habang inabutan ng financial aids ng lungsod kasama ang Northern Mindanao Hogs Raisers Association ang backyard hog owners.
Bagamat nasa kontrolado ang sitwasyon at agad na isolate ang paggalaw ng mga baboy na halos na sa 3,000 na nakabase lamang sa nabanggit na barangay.
Magugunitang pinaghihinalaan nila na nagmula sa mga barko na dumaong sa kanilang pantalan ang pinagmulan ng suspected ASF dahil naglalabas umano ang mga ito ng tira-tirang pagkain na kinuha o binili naman ng ilang mga residente para gawing pagkain ng mga baboy.