(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng Police Regional Office -10 na marami umano ang masasagasaan na personalidad na maaring nasa likod kung bakit brutal na pinaslang ang pari ng simbahang Katolika sa Brgy Patpat,Malaybalay City,Bukidnon.

Ito ang babala ni PRO-10 Director Brigadier General Rolando Anduyan kaugnay sa halos mag-isang linggo nang pag-iimbestiga ng kanilang mga tauhan upang matukoy at maselyuhan ang pinaka-motibo kung bakit pinatay si Reverend Father Rene Regalado ng Diocese of Malaybalay City,Bukidnon.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Anduyan na tukoy na nila ang ilang indibidwal na maaring direktang nasa likod pagpapatay kay Regalado.

Inihayag ng heneral na bagamat hindi muna nito banggitin ang pagka-kilanlan ng mga maaring suspek subalit binigyan niya ng isang linggo si Malaybalay City Police Station commander Lt Col Jerry Tambis upang resolbahin ang kaso ng pari.

Si PRO-10 Director Brigadier General Rolando Anduyan

Dagdag ni Anduyan na nasa bisinidad lamang ng Bukidnon at hindi nagmula sa ibang probinsya katulad ng Lanao del Norte ang mga salarin kaya pagpapalakas ng mga ebedensiya ang pina-pasiguro nito sa mga imbestigador.

Una nang igiinit ng Diocese ng Malaybalay na malaking kasinungalingan ang naisampang rape laban kay Regalado sa Lanao del Norte sapagkat negatibo naman umano ang findings ng mga imbestigador sa nagsilbing biktima na babae kaya pansamantala na pinalaya at tuluyang nakauwi sa kanyang hometown.