CAGAYAN DE ORO CITY – Sinampahan na ng kasong multiple murder ng PNP ang grupong Dawlah Islamiyah terrorists na umano’y nasa likod pag-ambush patay ng tatlong sundalo ng 4th Mechanized Infantry Batallion ng 1st ID ‘Tabak’ Division,Philippine Army na nangyari sa Rapadan River,Barangay Poblacion,Poona Piagapo,Lanao del Norte.

Ito ay matapos nakalikom ng sapat na mga ebedensiya ang mga otoridad upang tumbukin ang grupo na responsable pagtambang kina Cpls Albert Saura,Bryan Binayog at PFC Albert Soriano na pupunta lamang sana sa palengkeng bayan para bibili ng kanilang food supply noong Enero 14 ng umaga.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Police Regional Office 10 Director Brig Gen Rolando Anduyan na paghihigante ang ginawa ng mga terorista dahil sa naunang mga military operation kung saann nalagasan ang mga ito sa nakaraag mga buwan.

Inihayag ni Anduyan na hihintayin nila na lalabas ang warrant of arrest laban sa grupo upang basehan sa malawakang operasyon laban sa mga kalaban ng gobyerno.

Una nang nangagalaiti ng galit ang pamunuan ng militar dahil walang kalaban-laban na pinatay ng mga terorista ang kanilang kasamahan at nadamay ang isang 18 anyos na habal-habal driver na si Camilo Andog na taga-Lanao del Norte.

Si Police Regional Office 10 Director Brig Gen Rolando Anduyan

Magugunitang ang nabanggit na armadong grupo ay ang natitira mula sa Maute-ISIS na pinulbos ng state forces nang tinangka na okupahin at agawin ang Marawi City,Lanao del Sur taong 2017.