(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Ipinag-utos ngayon ni PNP Chief General Debold Sinas na sisibakin ang lahat ng police personnel na kabilang sa nagsagawa ng madugo na anti-illegal drugs operation na ikinasawi ng umano’y nanlaban na target suspected drug pusher sa Purok 4,Barangay Batangan,Valencia City,Bukidnon.

Ito ay matapos pumasok na ang PNP’s Internal Affairs Service sa imbestigasyon upang alamin ang posibleng operation lapses na isinagawa ng Valencia City Police Station kasama ang back-up special units para hulihin sana na buhay ang suspek na si Pol Estañol subalit namatay dahil nanlaban umano sa kasagsagan ng operasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Police Regional Office 10 Director Brig Gen Rolando Anduyan na direkta umano itong tinawagan ni Sinas upang ipabatid na hindi konsintihin ang makikita sa video na si late Cpl Benzon Gonzales na kumuha ng baril 38 at ipinapaputok ng tatlong beses at iniigay sa tabi ni Estañol.

Inihayag ni Anduyan na mayroon ng inisyal na resulta ng imbestigasyon ang IAS at sapat na ito na basehan upang sibakin sa kanilang mga trabaho ang mga pulis na nasangkot at ipa-report sa holding unit ng Camp Alagar na nakabase sa Cagayan de Oro City.

Si Police Regional Office 10 Director Brig Gen Rolando Anduyan

Magugunitang unang ipinagkatwiran ng Valencia City PNP na nadala lamang umano ng emosyon si Gonzales kaya naipaputok ang baril subalit sa hiwalay na paliwanag naman ng PRO-10 ay ‘isolated case’ lamang ang pangyayari.