CAGAYAN DE ORO CITY – Sumama ang bumubuo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa buong sambayanang Filipino na nagdadalamhati sa biglaan na pagpanaw ng 15th Philippine’s President Benigno Simeon ‘Noynoy’ Aquino III dahil sa iniinda na karamdaman nitong araw lamang.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Bangsamoro Transition Authority spokesperson Zia Alonto Adiong na maging sila ay nabiglang masyado sa pumutok na balita kaugnay sa sinapit ni Aquino na mayroong malaking papel para maging operational ang BARMM mula sa maraming pagsubok makuha lamang ang hinangad na kapayapaan sa Mindanao.
Sinabi ni Adiong na hindi nila maaring makakalimutan kung paano nagsumikap ang Aquino administration na pumunta pa sa Japan para personal kaharapin ang mga opisyal noon ng Moro Islamic Liberation Front sa Japan para sa pag-usad nang isinusulong na pang-matagalan na kapayapaan para sa rehiyon.
Kaugnay nito,nagpasa ng tatlong resolusyon ang BARMM parliament upang bigyang pagkilala ang dating pangulo kaugnay sa tinatamasa na kapayapaan sa Mindanao at pagpapaabot na rin ng taus-pusong pagdadalamhati para sa naiwang pamilya Aquino.