(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Palaisipan pa rin sa pamilyang Alonto at Adiong ang tangkang pagpaslang kay incumbent Lanao del Sur Governor Mamintal ‘Bombit’ Adiong Jr na ikinasawi ng kanyang apat na securitty details sa bahagi ng Maguing ng lalawigan.

Ito ay matapos iginiit ng kapatid ng gobernador na si Lanao del Sur 1st District Congressman Zia Alonto Adiong na sa tinatagal-tagal nila sa politika ay kailanman man ay wala silang nakaalitan o naka-rido na ibang malaking angkan sa probinsya.

Sinabi sa Bombo Radyo ng kongresista na katunayan ay kumpiyansa lang ang kanyang kapatid na hindi nakasakay ng bullet proof na sasakyan dahil kampante at kabisado ng kanilang pamilya ang mga naninirahan sa kanilang lugar.

Kaugnay nito,naka-activate na ang Special Investigation Task Group na pinamunuan ni Lanao del Sur Provincial Police Director Col.Robert Daculan upang mapabilis ang pag-resolba ng kremin.

Maingat pa rin ang pulisya na magbanggit sa posibleng anggulo ng kremin hangga’t matatapos ang isasagawa nila na imbestigasyon at maihain ang kasong kriminal laban sa mga salarin.

Sa ngayon,nanatili sa intensive care unit ang gobernador kahit hindi malubha ang kalagayan upang mas madali na ma-monitor at mabantayan ang kanyang seguridad.

Magugunitang patay sa nasabing ambush ang mga kaanak ng mga Adiong na sina Staff Sgt Mohamad Adiong;Corporal Johaine Sumander;Patrolman Jalil Cosain at ang kanilang sibilyan na drayber nang pinaulanan ng mga bala ng armadong kalalakihan kahapo ng hapon.