CAGAYAN DE ORO CITY – Itinuring na malaking panalo para sa mga konsumante ng Cagayan de Oro Water District (COWD) ang court decision na pumabor sa inihain na prohibition case ng petitioners laban sa full intervention ng Local Water Utilities Administration (LWUA) sa internal at external affairs ng sistemang patubig nitong syudad.

Ganito ang pagsalarawan ng regular COWD management nang pinaboran ang kanilang petition laban sa LWUA takeover kung saan nagtala sila ng interim board of directors at bagong manager alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr simula noong Mayo 2024.

Sinabi ni Atty. Greg Pallugna,abogado ng regular management ng COWD na patunay ito na tama ang kanilang ipinaglaban at pagkuwestiyon sa legalidad kontra sa LWUA takeover.

Ipinag-utos kasi ni Regional Trial Court Branch 41 Presiding Judge Jeoffre Acebido na tigilan na ng LWUA ang panghihimasok sa COWD operations.

Bagamat aminado ang regular management ng COWD na hindi pa pinal ang court decision dahil maari pa itong kuwestiyonin ng kabilang panig sa Court of Appeals.

Magugunitang agad rin naglabas ng mensahe si interim COWD General Manager Fermin Jarales kung saan kinilala nito ang court ruling at tiniyak na nasa normal ang operasyon habang aapela sila sa desisyon na korte.