Ibinunyag ni Misamis Oriental Governor Juliette Uy na may iniwang utang na nagkakahalaga ng ₱48 milyon si dating gobernador Peter Unabia sa isang kilalang hotel sa Cagayan de Oro City.

Ayon kay Uy, ginamit umano ng dating administrasyon ang hotel para sa mga opisyal na aktibidad ng pamahalaang panlalawigan gaya ng mga seminar, pagsasanay, at mga pagtitipon, ngunit hindi ito nabayaran bago natapos ang kanyang termino.

Sa kasalukuyan, nakatala ang obligasyong ito sa pamahalaan ni Uy at isasailalim sa audit at legal na pagsusuri upang matukoy kung mayroong anomalya o kapabayaan sa paghawak ng pondo.

Binanggit ng gobernadora na mabigat ang epekto ng utang na ito sa kasalukuyang budget ng lalawigan, lalo na’t mas pinaprayoridad ng kanyang administrasyon ang mga serbisyong panlipunan at imprastruktura.

Dagdag pa niya, kailangang ipaalam sa taumbayan kung paano ginamit ang pondo ng lalawigan bilang bahagi ng kanilang pagsusulong ng transparency at accountability.

Natukoy ng BOMBO RADYO NEWS TEAM ang nasabing hotel at iginiit ng LUXE – GENERAL MANAGER na walang obligasyon sa kanilang hotel ang dating gobyerno ng lalawigan.