CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi na nakapagsalubong ng bagong taon ang manager at trabahanteng mag-ama dahil kapwa nasawi epekto sa pagka-suffocate habang nasa septic tank ng isang poultry farm na nakabase sa Barangay Sampatulog,Alubijid,Misamis Oriental.

Kinilala ang mga biktima na sina Bobby Payagon,26 anyos,may asawa na taga-Sumilao,Bukidnon,manager ng Buen Poultry Farm;Nilo Buntag,43 anyos at 16-anyos na anak nito na si Gian Carlo na mismong mga residente sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Police Capt Fernan Bangot,hepe ng Alubijid Municipal Police Station na kinuha umano ni Payagon ang nahulog na ‘plier’ sa nilinis nito na septic tank subalit biglaan ang pagkawalan nito ng malay sa loob.

Agad umano nag-responde si Buntag upang bigyang ‘first aid’ si Payagon subalit hindi kinaya ang matinding amoy sa loob ng tangke dahilan nawalan rin ng kamalayan.

Sinaklolohan din umano ito ng kanyang anak na si Gian Carlo pero nawalan ng lakas.

Sumaklolo ang rural health unit rescuers kung saan binutasan ang gilid ng septic tank at isa-isang inilabas ang mga biktima at dinala sa OWWA-Alubijid Hospital subalit lahat dead on arrival kahapon ng umaga.

Kinompirma ni Bangot na napakatindi ng baho ng kemikal na maaring dahilan pagkasawi ng mga biktima.

Sa ngayon,hinihintay ang ilalabas na medical findings ng ospital kung totoo bang dahil sa ‘suffocation’ ang ikinamatay ng poultry manager at mag-ama sa lugar.