Masayang ibinahagi ni Naneth Castillo, ina ng isang biktima ng drug war, ang kanilang kagalakan matapos umusad ang kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng BOMBO Radyo Cagayan de Oro, sinabi ni Castillo na malaking tagumpay para sa mga pamilya ng mga biktima ang desisyon ng ICC Pre-Trial Chamber I na “fit to stand trial” si Duterte, matapos ang ilang buwang pagkaantala ng kaso.
Ayon kay Castillo, natagalan ang proseso dahil sa argumento ng kampo ni Duterte na hindi umano siya dapat dumalo sa paglilitis dahil sa sinasabing memory loss at cognitive decline.
Ngunit para sa mga pamilya ng mga biktima, hindi nila pinaniwalaan ang naturang depensa at itinuturing lamang itong taktika upang maantala ang pag-usad ng kaso.
Para kay Castillo at sa iba pang pamilya, ang desisyon ng ICC ay patunay na hindi matatakpan ang katotohanan.
Naniniwala sila na sa tamang panahon, lilitaw ang hustisya para sa mga biktima ng kampanya kontra droga ng administrasyon ni Duterte.











