CAGAYAN DE ORO CITY – Inihayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang kanyang pasasalamat sa lokal na pamahalaan ng Cagayan de Oro at Misamis Oriental dahil sa kanilang mahigpit na pakikipagtulungan sa ahensya.
Ayon sa kalihim, ang koordinasyon ay isinagawa alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang matiyak na mabigyan ng prayoridad at agad na masolusyunan ang mga pangangailangan sa imprastraktura sa bawat lugar ng bansa.
Tatlong malalaking proyekto ang tinututukan ng DPWH sa Cagayan de Oro, kabilang ang Coastal Road na may nakalaang ₱300 milyon mula sa kabuuang ₱30 bilyon na kinakailangan.
Nakikita rin ng ahensya ang paggasta ng ₱7 bilyon para sa Eastern Interior Road, habang tiniyak ng DPWH na matatapos sa unang bahagi ng susunod na taon ang tulay sa Macabalan-Bonbon.











