Pabor sa mga tagasuporta at kay Vice President Sara Duterte ang pagbawi ng Anti-Money Laundering Council sa inilabas nitong pahayag ukol sa joint bank accounts ng Bise Presidente at ng kanyang asawang si Atty. Mans Carpio sa Impeachment Court—ito ang pahayag ni Daniel Nobleza ng Inday Sara Movement Philippines.

Ipinaliwanag ng opisyal na nabawi ng AMLC ang mga naunang akusasyon matapos mapatunayan sa pagtatanong sa korte na walang pondo mula sa China o dayuhang bansa ang pumasok sa account ng Bise Presidente at ng kanyang asawa.

Nilinaw ng grupo na naging malinaw sa publiko ang mga maling akusasyon ng prosekusyon sa gitna ng pagsisikap ng mga kalaban sa politika na sirain ang pangalan ng Bise Presidente.

Idinagdag pa ng opisyal na kahit pa paikutin ang mga argumento sa impeachment hearing, tiyak na lalabas pa rin ang tunay na katotohanan para sa taumbayan.