(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Inataasan ngayon ng pamunuan ng 4th Infantry Division,Philippine Army ang lahat ng ground troops na gagamitin ang lahat ng resources upang susunod na ma-neutralize ang maybahay ni late National Democratic Front Mindanao spokesperson at commander ng kanilang CPP-NPA’s national operation command na Jorge Madlos alyas Ka Oris na nasa bisinidad ng Caraga Region.
Ito ang sinabi ni 4th ID commander Maj Gen Romeo Brawner Jr matapos na mismo kinompirma ng maybahay na si Myrna Solarte alyas Ka Maria Malaya ang pagkasawi ni Ka Oris habang nasa bukiring sakop ng Sitio Gabunan,Barangay Dumalaguing,Impasug-ong,Bukidnon noong nakaraang Oktubre 30,2021.
Inihayag ni Brawner na kung gusto ni Ka Malaya na hindi matulad sa sinapit ni Ka Oris ay mas makakabuti na susuko na ito habang mayroon pang sapat na pagkakataon at huwag piliin ang paglaban sa gobyerno.
Dagdag ng heneral na kaya lang umano kumakapit ang mga ito sa armadong rebolusyon ay dahil sa malalaki na makukuha nila sa extortion activities na nagsilbing pinakamalaking kolektor sa sa North at Eastern Mindanao Regions.
Una rito,naglabas rin ng sulat-pahayag si Ka Malaya na kalihim rin North Eastern Mindanao Regional Committee na nakabase sa Caraga kung saan inamin na napatay at hawak ng mga sundalo ang bangkay ni Ka Oris.
Subalit sa nasabing ring pahayag ay tinangka nila na ilihis ang kuwento na hindi lumalaban si Ka Oris bagkus ay sumakay umano ito ng motorsiklo papuntang provincial highway at tinambangan ng mga sundalo.
Wala pang panibagong kasagutan ang mga sundalo ukol sa bersyon ng kuwento na ipinalabas ng mga rebelde sa pagkasawi ni Ka Oris.