(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi ipagkakait ng Armed Forces of the Philippines na isauli sa pamilya at mga kaanak ang mga labi ng rebel war veteran at mayroong mataas na katungkulan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na si Jorge Madlos alyas Ka Oris na tubong General Luna,Surigao del Norte ng Caraga region.
Ito ang pagtitiyak ni AFP’s Public Information Office Army Col Ramon Zagala sa kondisyon kung lalabas na mag-negatibo ang resulta ng RT-PCR test laban COVID-I9 infection ang katawhan ni Ka Oris.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Zagala na kahit nagsilbing mortal na kaaway ng estado si Madlos subalit nangingibabaw pa rin ang pagiging dugong Filipino nito kaya nararapat lang na maibigay sa kanya ang pagggalang bilang tao.
Ito ang dahilan na hindi sila mag-aatubili na ipasakamay sa kanyang pamilya si Ka Oris kung ligtas ito mula sa impeksyon ng bayrus nang mapaslang ng military operation sa bayan Impasug-ong,Bukidnon.
Magugunitang hanggang sa pag-balita ng usaping ito ay hindi pa naglabas ng anumang update ang 4th ID,Philippine Army sa kung ano ang resulta ng swab test ng CPP-NPA’s national operation commander na si Ka Oris.
Bagamat pinaghahanap rin ang maybahay ni Oris na si Myrna Solarte alyas Ka Maria Malaya dahil sa kinaharap na mga kasong kriminal subalit nakahanda ang gobyerno na ipagbigay katiwala ang bangkay nito sa kanyang biological siblings o mismong mga anak.
Si Ka Oris at Ka Maria ay napaulat na mayroong anak na isang nurse na nagta-trabaho sa bansang Estados Unidos habang ang isa ay nasa business process outsourcing industry na nakabase sa syudad ng Cebu.