CAGAYAN DE ORO CITY – Paiigtingin pa ng militar at ibang law enforcement agencies ang manhunt operations laban sa mag-asawang kapwa umano peace consultants ng National Democratict Front na sina Benito at Wilma Tiamzon na hinatulan ng guilty beyond reasonable doubt ng kasong kidnapping at serious illegal detention sa sala ni Quezon City Regional Trial Court Branch 216 Presiding Judge Alfonzo Ruiz nitong araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni AFP Public Affairs Office Chief Navy Capt. Jonathan Zata na mas lalo pang lalawak ang kanilang paghahanap dahil sa utos ng korte na sila ay napatunayang may mga sala ng mga kasong kinaharap nila laban sa estado.
Sinabi ni Zata na kahit umaabot man ng maraming taon ang pagtatago ng mag-asawang Tiamzon ay hindi ito hadlang para gobyerno dahil mahuhuli rin sila sa tamang pagkakataon.
Hinikayat na lamang ng militar ang dalawa na isusuko na ang kanilang mga sarili at pagsilbihan kung anuman ang ipinataw na hatol ng batas.
Sina Benito at Wilma ay mag-ilang dekada na bahagi ng central command ng CPP-NPA-NDF at kabilang sa humarap noon kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malakanyang bago sila tumungo sa Oslo,Norway kung saan muling pinag-uusapan ang resumption of talks ng gobyerno at armadong grupo sa bansa.
Naaresto ang mga ito habang nagtatago sa Cebu ilang taon na nakaraan at muling pinaghahanap ng mga otoridad dahil bumagsak ang usaping pangkapayapaan na negosasyon ng dalawang panig hanggang hinatulan ng korte na makukulong ng tig-40 na taon dahil sa mga kinaharap ng mga kaso.