Para sa pagpapatuloy ng kasunduan sa kapayapaan sa Mindanao, iginiit ng Save Bangsamoro Movement na si MILF Chairman at Bangsamoro Parliament Member-elect Al-Hadj Murad Ebrahim lamang ang nararapat na mamuno bilang Chief Minister ng rehiyon.
Nilinaw ni Datu Tokz Bin Abdurrahman, convenor ng naturang grupo, na si Ebrahim lamang ang lehitimong kinikilalang lider at tagapag-isa sa buong Bangsamoro, kabilang na ang sektor ng ulama, magsasaka, at mangingisda matapos ang iba’t ibang digmaan sa lugar.
Nilinaw ng opisyal na napatunayang nabigo ang nakaraang pagpapakialam at eksperimento ng gobyerno dahil humantong ito sa pagka-hold ng pagsusuko ng mga armas ng mga kasapi ng MILF.
Dagdag pa ni Abdurrahman, mas mabuting suportahan ng Malacañang ang binuong Rainbow Coalition sa pagitan ng iba’t ibang partido upang magkaisa ang mga lider at hindi magiba ang pinapangarap na kapayapaan sa Mindanao.











