CAGAYAN DE ORO CITY – Nahuli ng pinag-isang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency 13 at PDEA-10 ang anak ng umano’y bigtime drug dealer sa Opol,Misamis Oriental.
Kinilala ni PDEA Agent Ben Calibre ang suspek na si Jehar Agar Sangcopan alyas “Ukad”, isang 3rd year BS Criminology Student sa lungsod ng Cagayan de Oro.
Sa bisa ng search warrant na inisyu ng korte nitong lungsod sa PDEA-13,ni-raid ng mga operatiba ang tatlong palapag na pagmamay-aring bahay ng suspek sa loob ng isang high-end subdivision ng Brgy. Malanang, Opol, Misamis Oriental.
Naging emosyonal si Sangcopan ng halughugin ang kanyang bahay at iginiit na matagal na niyang iniwan ang paggamit ng ilegal na druga mula ng masampahan ng kaso ng PDEA-13.
Sa mahigit isang oras na operasyon, nakuha ng PDEA ang isang malaking sako ng shabu na nakatago sa isang abandonadong kwarto sa bahay ni Sangcopan.
Una rito, inamin ni Calibre na nakaiwas sa kulungan ang dating suspek sa kasong illegal possession of illegal drugs dahil ito’y nakapagpiyansa noong 2014.
Kung matatandaan, napatay sa isang entrapment operation si Jabar Sangcopan, ama ng suspek sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. Kauswagan noong Mayo taong kasalukuyan.
Nakuha sa mga operatiba ang aabot sa P1.3 milyon street value ng druga sa kamay ng tinaguriang drug lord sa nasabing lugar.
Kasabay nito ang pagkakahuli sa dalawang asawa sa matandang Sangcopan na sina Nasifa Agar at Cindy Sarrif Sangcopan.
Nakuha sa posisyon ng dalawang may bahay ang P780,000 at P590,000 halaga ng shabu.