CAGAYAN DE ORO CITY – Maapektuhan ang malawakang kampanya laban sa coronavirus disease pandemic sa 23 munisipyo at dalawang component cities sa Misamis Oriental.
Ito ay matapos kinatigan ni Regional Trial Court Branch 24 Presiding Judge Henry Damasing ang inihain na reklalamo ng opposition members ng Sangguniang Panlalawigan upang ipatigil ang pagpatupad nang aprobadong 2020 provincial budget ni Misamis Oriental Gov Bambi Emano.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Emano na nakahanda sila na susunod sa pinag-utos na 20 araw na temporary restraining order ng korte subalit magigipit rin ang kanilang paglaban ng pandemya dahilan sa kawalan ng magagamit na pondo.
Inihayag ni Emano na hindi problema na gigipitin siya ng kanyang mga katunggali ng politika subalit pinagbaliban lamang sana ito dahil sa nasa malaking krisis ang bansa.
Una nito,iginiit ni Misamis Oriental Vice Gov Jigjag Pelaez na ipinapatigil muna nila ang implementasyon dahil mayroong ilang pinaglaanan ng pondo na hindi malinaw at para na rin makaiwas ng anumang kaso sa kinaharap.
Magugunitang una ring binawasan ng mga miyembro ng mayoriya sa SP na alyado ni Emano ang multi-million budget na matagal nang inilaan para sa tanggapan ng bise-gobernador.