Binatikos ng Student Council Alliance of the Philippines ang inihandang batas sa Kongreso laban sa political dynasty dahil sa paniniwalang wala itong ngipin at maliliit lamang ang limitasyon.

Ayon kay Student Council Alliance of the Philippines Mindanao Chairperson John Philip Talaba, hanggang ikalawang antas ng kamag-anakan (second degree) lamang ang ipinagbabawal sa Kongreso samantalang hanggang ikaapat na antas (fourth degree) ang isinusulong na bawal sa Dapat Isa Lang movement.

Ipinahayag ng batang lider na ang pagdodomina ng iisang pamilya ay nagdadala ng absolutong kapangyarihan na nagpapataas ng korapsyon sa pamahalaan.

Dahil dito, hinimok ng batang lider ang mga kabataan na pumirma sa inisyatiba upang mabuwag na ang paghahari ng ilang abusadong pamilya at makapaglingkod ang iba sa gobyerno.