CAGAYAN DE ORO CITY – Nakiisa ang Arkidiyosesis ng Cagayan de Oro sa malawakang panawagan sa taumbayan na ibalik ng ilang opisyal ng gobyerno, kabilang ang mga kilalang politiko, ang bilyong pisong pondo na umano’y kinurakot mula sa mga flood control projects na ipinatupad sa loob ng tatlong taon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon kay Msgr. Rey Manuel Monsanto, consultor ng Arkidiyosesis, lumilinaw na kung sinu-sino ang dapat managot, kasuhan, at makulong dahil sa paglustay ng buwis ng mamamayan na sa halip na mapakinabangan ay napunta sa bulsa ng ilang tiwaling opisyal.
Dahil dito, buo ang kanilang suporta sa pahayag ng CBCP na mariing kinondena ang lumalalang korapsyon sa pamahalaan.
Sa kasalukuyan, nasa 106 (isang daan at anim) ang bilang ng mga organisasyon na ang sumusuporta sa panawagan para sa isang malaya at makatotohanang imbestigasyon, kabilang ang mga political parties, paaralan, civil society groups, at 18 (labing walong) retiradong heneral mula sa AFP at PNP.
Aniya, pagkakaisa ng simbahan at mamamayan ay patunay ng lumalakas na panawagan para sa hustisya at pananagutan. Patuloy ang panawagan para sa transparency at integridad sa pamahalaan.