Binatikos ng International League of Peoples’ Struggles ang paghahanda ng gobyerno sa ASEAN Summit dahil sa pagpapalayas sa mga urban poor at nagtitinda upang itago ang totoong kalagayan ng kahirapan.

Ayon kay ILPS Secretary General Atty. Arnold Padilla, tila pakitang-tao lamang ang naturang aktibidad dahil bilyon-bilyon ang nagastos ngunit hindi nakikita ang totoong pakinabang para sa mga mamamayan, kabilang na ang isyu sa mahal na presyo ng langis.

Kinuwestiyon ng abogado ang mga kasunduan sa pagbisita ni United States President Donald Trump na umano’y mas magbibigay ng malaking tulong at trabaho sa Amerika sa pamamagitan ng pagbili ng produkto at armas.

Para kay Padilla, mas marami ang nawala at lumabas sa ekonomiya ng Pilipinas at nawalan ng kabuhayan ang mga manggagawa sa loob ng mahigit isang linggong aktibidad.