CAGAYAN DE ORO CITY – Napigilan na lumaganap pa ang impeksyon na dala ng African Swine Fever (ASF) na unang tumama sa bayan ng Manticao at Initao ng Misamis Oriental sa loob lamang ng linggong ito.

Ito ay matapos naisailalim ng ‘culling operations’ ang nasa 805 mga baboy na pasok sa 500 meters radius mula sa itinuring na ‘ground zero’ o pinagmulan ng ASF invasion na unang nakompirma noong nakaraang Martes.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Misamis Oriental Provincial Veterinary Office chief Dr Benjie Resma na nasa 224 na backyard hog raisers ang nawalan ng mga baboy na agad inabutan ng inisyal na tig-P2,000 bawat isa sa kanila.

Ito ay bilang pagtulong ng provincial government sa kanilang kabuhayan habang inaantay ang tuluyang pag-release ng financial assistance mula naman sa Department of Agriculture-10.

Samantala,nakatutok rin ang grupo ni Resma sa mga bayan ng Libertad,Laguindingan sa Initao muli dahil mayroong suspected symptoms ng ASF na namataan sa ilang mga baboy.

Inaantay na rin ang paglabas ng resulta ng laboratory sampling upang kompirmahin kung ASF o hindi ang umano’y tumama sa ilang mga baboy sa nabanggit na mga bayan.

Sa kaugnay rin na balita,nasa higit 400 mga baboy na ang boluntaryong pinatay mula naman sa dalawang barangay na apektado ng ASF sa Cagayan de Oro City.

Si Misamis Oriental Provincial Veterinary Office chief Dr Benjie Resma

Kasalukuyan ring namimigay na ang CdeO-LGU sa inisyal na tulong pinansyal sa higit 100 backyard hog raisers na apektado ng ‘culling’ sa mga barangay ng Mambuaya at San Simon ng lungsod.