CAGAYAN DE ORO CITY- Pormal na isinampa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Cagayan de Oro sa City Prosecutors Office ang apat na kaso laban kay United States Army Forces in the Far East (USAFFE) founder Atty Ely Pamatong ng Barangay Tablon lungsod ng Cagayan de Oro.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Senior Police Officer 4 Noel Oclarit, City Executive Senior Police Officer ng CIDG-CdeO, binanggit nito ang mga kasong kinasasangkutan ni Pamatong ay ang paglabag sa (RA) 9516 o “illegal possession of explosives”, RA 10591 o “illegal possession of firearms”, RA 8491 o ang ” An Act prescribing the Code of the National Flag, Anthem, Motto, Coat-Of Arms, and other Heraldic Items and Devices of the Philippines” at ang paglabag ng Article 177 ng Revised Penal Code o “Usurpation of Authority”.
Ayon kay Oclarit, marami na silang natatanggap na reklamo mula sa nasabing barangay dahil sa pagbibitbit ng armas nga umanoy sundalo ng Pamatong.
Una rito, nabawi ng mga operatiba ng Martial Law-Special Action Group (ML-SAG) ang isang kalibre 45, dalawang granada at mga uniporme ng militar sa loob ng umano’y tinatawag ni Pamatong na “Palacio Mailakandian de Oro” na ang ibig sabihin ay ang pinakamaliit at pinakamahirap na palasyo ng presidente.
Binanggit rin ng nasabing pulis na pinakakasuhan nila si Pamatong mula ng ideneklara nitong siya ang “de jure president” ng Pilipinas.
Ang nasabing raid sa aabot 42 ka bahay sa loob ng compound ni Pamatong ay alinsunod sa 42 search warrant na inilabas ng Regional Trial Court ng Gingoog City noong Agosto 31.