CAGAYAN DE ORO CITY – Ikinagulat ng mga abogado na miyembro ng Intergrated Bar of the Philippines (IBP) Misamis Oriental -Cagayan de Oro Chapter ang kompirmasyon na namamayapa na nga ang kontrobersyal na kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty Jude Sabio dahil sa nadapuan ng COVID-19 sa tinuluyang bahay sa Metro Manila.
Ito ang paglalahad ni IBP-MisOr CdeO chapter president Atty Katrina Mordeno nang makausap nito sa linya ng telepono ang isa sa mga kapatid na nag-aasikaso sa cremated body na ni Sabio.
Inihayag sa Bombo Radyo ni Mordeno na ikinalungkot rin nila ang pagpanaw ng batikang abogado na si Sabio na nalagay sa spotlight nang kinuha ang kanyang serbisyo sa grupo ni dating Senator Antonio Trillanes IV at former Magdalo partylist Rep Gary Alejano para sampahan ng crime against humanity complaint si Duterte sa International Criminal Court sa The Hague,Netherlands sa nakaraang mga taon.
Sinabi ng bagitong abogado na bagamat na matagal nang hindi namamalagi at nag-law practice si Sabio sa hometown niya sa Cagayan de Oro City subalit matunog ang pangalan nito dahil sa pagsilbing defense lawyer niya nila self-confessed hitmen ng umano’y Davao Death Squad na sina retired SPO3 Arthur Lascanas at Edgar Matabato laban kay Duterte
Bagamat hindi naman inilihim ng pamilya Sabio ang sinapit ng abogado habang nanatili sa Metro Manila na nagtala ng mataas na kaso ng COVID-19.
Si Sabio ay makailang beses ring napanayam ng Bombo Radyo Philippines noong nasa kampo pa ito ni Trillanes na kritiko ni Duterte hanggang sa tumiwalag at tuluyang binawi ang impormasyon na inihain sa ICC ukol sa umano’y laganap na extra judicial killings dahil war of drugs na ipinapatupad ng administrasyon.
Si Sabio bago namatay ay mayroong iniinda na ilang sakit na na-trigger nang tinamaan ng COVID-19 noong Abril 12 nitong taon.
Si Sabio ay isa sa mga kritiko ng Pangulong Rodrigo Duterte kung saan sinampahan pa nito ng reklamo sa International Criminal Court ang presidente dahil daw sa pagkakasangkot nito sa serye ng mga patayan pero kalaunan ay binawi niya rin ang kasong inihain.