CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi na basta-basta makalabas ang mga Pinoy sa kanilang tinitarahan ng bahay o tanggapan sa mismong kabesira ng Baghdad,Iraq.
Ito ay matapos nagbanta ang Iranian forces na gaganti laban sa tropa ng Estados Unidos na nakabase sa bahagi ng Iraq kasunod nang pagkasawi ni Iranian Quds Force founder Army Gen Qassem Soleimani noong nakaraang linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ng Pinay worker na si Ruby Los Baños na nakabase sa bahagi ng Irbil,Iraq na hindi na pinahihintulutan ang overseas Filipino workers at ibang foreign workers na basta-basta makalabas na walang sapat na seguridad.
Inihayag ni Los Baños na ina-account na rin ng Philippine Embassy na nakabase sa Iraq ang mga Pinoy para kung sakali na lumala ang sitwasyon ay agad sila mailikas palabas at mapauwi sa Pilipinas.
Dagdag nito na naka-impake na rin ang mga kagamitan ng Pinoy workers para sa mabilisan na pagsilikas kung sisiklab ang kaguluhan epekto sa kapwa pagbanta ng Iran at Amerika na magkahigantehan.
Bagamat,maituturing na isa sa mga ligtas na lugar ang Irbil na nakabase sa Northern Iraq kung saan makikita ang ilan sa higit 1,000 na Pinoy workers subalit hindi maiwasan na mangamba sila sa kanilang seguridad.