CAGAYAN DE ORO CITY- Patay ang isang barangay kagawad matapos umano’y nanlaban sa drug buy bust operations ng mga ehente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bayan ng Wao, Lanao del Sur.

Kinilala ni PDEA-Bangsamoro Region Dir. Juvenal Azurin ang nasawing suspek na si Brgy. Kagawad Larry Masid ng Brgy. Muslim Village sa nasabing bayan.

Sinabi ni Dir. Azurin na nangyari ang shootout matapos natunugan ng suspek na isang PDEA agent ang kanyang ka-transaction.

Una umanong bumunot ng kanyang baril si Masid at pinaputukan ang mga operatiba ng PDEA kasama ang iilang pulis at sundalo na nagresulta ng pagkasawi nito ng gumanti sa pagpaputok ang mga otoridad.

Napag-alaman na matagal ng minamanmanan ng PDEA at PNP ang ilegal na gawain ni Masid.

Nakuha mula sa posisyon nito ang limang gramo ng pinaghihinalaang drugang shabu na nagkakahalaga ng 100K, isang 45 caliber pistol at Carbine rifle.